ni Nellymar Basa, BSA 1-2

Takipsilim na nang umuwi si Pepe buhat sa paaralang kanyang pinasukan. Tangan-tangan niya ang mga bagong kaalamang natutunan na siguradong nagpayabong ng pahat niyang isipan. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, walang nakakaalam na ang musmos niyang damdamin ay inaalipin pala ng problemang hindi niya alam kung paano matatakasan…

Tila may nag-iiba na sa kilos ng Pepeng noon ay makulit at hindi naikukubli ang mga ngiti sa labi. Ang kapansin-pansing binata ay unti-unting binago ng problemang walang nakakaalam maging ang  kanyang mga magulang.

Napansin nang minsan ni Aling Tina ang pagbabago ng anak, tulala sa isang tabi at pilit na ikinukubli ang bagay na hindi niya mawari. Ang Pepeng noon ay napakasipag kung pumasok ay pahirapan niyang pinakikiusapan magtungo lamang sa eskwelahan. Animo’y may kung anong kurot ng takot sa kanyang dibdib na pumipigil sa kanyang gwawin ang alam niyang ay tama.

Nais mang malunasan ni Aling Tina ang problemang dala-dala ng anak, hindi niya alam saan at paano niya sisimulang solusyunan ang problemang hindi niya nalalaman. Alam niyang bilang isang ina, ang lubos na pagmamahal sa anak ay maipapakita niya sa pag-intindi at pag-alala sa mga oras na ito’y may problema.

Isang araw ay isang nagmalasakit na kaklase ni Pepe ang lumapit kay Aling Tina. Baon nito ang balitang tumuldok sa di mapakaling isip niya. Napag-alaman niya na ang kanyang anak ay dumaranas na isang matinding problema sa ilalim ng walang awing kamay ng mga tinaguriang “bully” sa kanilang paaralan.

Halos hindi matanggap ng kanyang kalooban ang mga naririnig na kwento mula sa kaklase ni Pepe. Paminsan-minsan napakarami umanong dala-dalang mga bag ni Pepe, tagabili ito ng mga pagkain ng mga nananakot sa kanya at ang pinakamasalimuot ay ang paggawa nito sa mga proyekto ng mga naghahari-harian sa kanilang paaralan.

Dagdag pa niya, walang magawa si Pepe kundi ang sumunod dahil alam niyang kapakanan niya ang nakataya rito gayundin ang kanyang kaligtasan sa labas ng paaralan. Inabuso ng mga ito ang mahinang loob ng isang binatang takot sa gulo at pinagsamantalahan ang karuwagang alam nilang hindi papalag at madaliang matititinag.

Habag at pagkaawa ang naramdaman ni Aling Tina sa anak. Hindi niya maikubli ang panghihinayang na hindi niya natulungan ang anak sa mga oras na ito ay nahihirapan at nagdurusa sa problemang hindi bunga ng kanyang kasalanan at malayo sa kanyang kagustuhan.

Habang tila nabibingi ang kanyang mga tainga sa dagundong ng mga balita, tila nahihiwa ng sakit ang kanyang puso sa nalamang pinagdaraanan ng anak. Hirap siyang tanggapin at halos punuin siya ng galit sa mga balitang nalaman, gayunpaman alam pa rin niya na hindi maitutuwid ang mali ng isa pang pagkakamali. Mali na makisali pa siya sa gulong ito bagkus, nararpat lamang niya kausapin ang anak niyang hindi na niya lubos na makilala.

Lubos nang binago ng karanasang ito ang personalidad ng kanyang anak.  Nilamon na ng takot ang tiwala sa sarili ng binata. Nawala na ang lakas ng loob na matagal na niyang binuo kapalit ng takot. Malayung-malayo na si Pepe mula sa dating siya…

Nang araw ding yaon, pagkauwi ni Pepe buhat sa paaralan ay agad siyang niyaya ng kanyang ina sa hapag upang simulan ang usapang hindi inaasahan ng binata. Agad na kinausap ni Aling Tina si Pepe tungkol sa nabalitaan niya sa kamag-aral nito. Sa kanilang pag-uusap namayani ang pagmamahal ng ina sa anak- ang kakayahang gawin nito ang lahat, mapagaan lamang ang bigat ng kaloobang nararamdaman nito.

Pinuno ng matinding emosyon ang tahanan nila. Hindi maipaliwanag ang emosyong ipinapakita ni Pepe sa bawat patak ng luha na umaagos mula sa dalawa niyang mata. Pagsisising hindi niya naibigay ang tiwala sa ina tungkol sa problemang dinadala niya. Kalungkutang sinuklian ng mga yapos ng Inang nangangaral at nagpapalakas ng loob ng anak. Tulong na hindi pa huli at papawi sa hirap na nararanasan ng kanyang anak.

Muling pinalakas ni Aling Tina ang kumpiyansa sa sarili ni Pepe. Ibinalik ang tamang pag-iisip na pairalin ang tapang sa oras na inaalipusta ang kanyang kabaitan at pag-iisip na palaging gagawin ang tama anumang oras at saanman siya naroroon. Respetong at paggalang na nararapat na may limitasyon at hindi papayag na maabuso ninuman.

Nagtapos ang maramdaming usapan na puno ng sarap sa pakiramdam at paggaan ng kalooban ng binata. Nasagot ang problemang bumabagabag sa isip at damdamin ni Pepe nang dahil sa kanyang ina hindi niya naisip na matutulungan siya. Napagtanto niya ang kanyang pagkakamali na nagawa at ang kainamang natuto siya mula rito.

Mula noon, natuto na siyang tumayo sa kanyang mga paa, bigyan ng limitasyon ang kabaitan sa kapwa at matutong ipagtanggol ang sarili sa oras na naapakan na at nayuyurakan na ang kanyang pagkatao. Hindi na siya muling ginambala pa ng mga pananakot ng mga tinaguriang salot sa paaralan o mga “bullies.”

Sa tulong din ni Aling Tina, nagkaron ng tapang si Pepe na isumbong ang mga kamag-aral na nananakot at umaalipin sa kanya. Dahil rito, nahinto ang kanilang pambubully at natutu sila sa tamang leksyon. Pinatawan din sila ng kaukulang parusa at dahil rito natutu sila sa kanilang pagkakamali. Nanghingi sila ng paumanhin kay Pepe at sa iba pang estudyanteng kanilang naabuso. Dahil rito, wala ng naghahari-harian sa buong paaralan at naging pantay- pantay na uli ang lahat.

Masaya si Pepe sa kinalabasan ng kanyang mga pinagdaanan. Napatunayan niya ang pagkakabuklod sa pamilya ang tanging unang masasandigan sa oras na alanganin ka sa desisiyong maaari mong gawin. At higit sa lahat, nahubog muli ang tiwala sa sarili at lakas ng loob na minsang  ninakaw ng mga taong nag-iwan at nagpamalas sa kanya ng kakaibang karanasan…




Leave a Reply.