ni Nicole Cerenio, BSA 1-5

Sa isang ekstensibong mundong patuloy na pinalalawak ng agham at teknolohiya, abala sa pag-abot sa layog ng karunungan at pagpapalago ng kayamanan, sino nga ba ang mag-uukol ng pansin sa mga mumunting nilalang? Silang naaapak-apakan… kinaiinisan… pinandidirihan – ang mga langgam.

Bata pa lamang ako ay ayaw ko na sa mga maliliit na insekto tulad ng mga langgam. Hindi man sila kasingbangis ng leon o kasingkamandag ng ahas subalit sadyang nakaiirita ang kanilang pinong-pinong kagat na nag-iiwan pa ng nakaiinis na pantal. Ngunit hindi ko inaakalang sa isang iglap lamang ay magbabago ang aking pananaw.

Linggo ng gabi noon at sa gitna ng kalaliman ng aking tulog ay bigla na lamang akong nagising. Tumungo ako sa kusina upang uminom ng tubig. Nagulat ako nang wala na akong makitang kanin sa platong iniwan ko sa lamesa kagabi. Balak ko pa naman sanang kumain.

“Paano? Bakit? Saan?”, tanong ko sa aking sarili. Kinalaunan, napag-alaman ko na naubos pala iyon ng isang kolonya ng langgam na malapit sa basurahan. Sinundan ko ang pila ng mga salarin at nakita kong pinagsasaluhan nila ang kanin sa isang sulok. Katakataka man ngunit sa halip na mainis ay nakuha ko pang matuwa at makaisip ng repleksyon kaugnay dito. Nakatutuwang isipin na ang mga langgam ay tulad din pala ng tao. Magsasaka sila na umaani ng halamang-singaw (fungus), sundalo na bumubuo ng hukbo  kapag may paninila (predator) at bagaman nakaiinis, magnanakaw na kumukuha ng pagkaing hindi sa kanila.

Gayunpaman, bahagya akong nabahala nang makita kong tulong-tulong silang nagbubuhat kapag may malalaking butil. Bigla ko tuloy naalaala ang noo’y malinaw na imahe nating Pinoy na kung tawagin ay bayanihan na kung saan ay tulong-tulong ang mga tao sa pagbubuhat ng kubo ng kanilang kabaryo. Subalit ang dating malinaw na imaheng ito ay tila pinalabo ng panahon. Masaklap mang isipin ngunit hindi maikakalilang sa ngayon ay burado na ito sa ating kultura. Marahil ay dala ng pag-unlad ng negosyo at pagsulong ng modernisasyon sa larangan ng pangangalakal at komersyo ay higit na isinasabuhay natin ang mentalidad na ang lahat ng bagay na ibinibigay ay may kabayaran. Dahil dito, nawawala na ang diwa ng pagtutulungan, sa halip ay napapalitan ito ng kasakiman.

Kapuri-puri din ang paraan nila ng pamumuhay. Umulan, umaraw; lumiwanag, dumilim; kahit anong panahon, kahit saang sulok, makikita natin silang nagtatrabaho. Tila walang kapaguran, walang tulugan, kumakayod para mabuhay. Ni-isa ay wala tayong makikitang langgam na tumigil o nagpahinga. Kaya naman sa oras delubyo ay lagi silang nakahanda. Kaiba sa maraming hayop ay tuwing tag-ulan, hindi sila nagugutom bunga ng kanilang pag-iimpok tuwing tag-araw. Ipinakikita lamang nito na ang sipag at tiyaga ang daan upang marating natin ang rurok ng kaginhawahan.

Dahil sa pagiging abalang umangkop sa isang modernisadong mundo, marahil minsan ay nalilimutan na natin ang mga simpleng pagpapahalagang ito. Salamat na lamang sa mga langgam na nariyan upang ipaalaala at ipalirip sa atin ang ating mga nakaliligtaan. Bahagya mang nakahihiya subalit patunay ito na sa halip na tayong mga malalaking nilalang ang kanilang tularan at tingalain ay tila mas tama yatang tayo pa ang tumingin sa ibaba at gayahin ang mabubuting ugaling ipinakikita nila sa atin.

Sadyang nakamamangha ang Dakilang Maylikha sa paggawa ng mga kahanga-hangang langgam na masipag, matiyaga at mapagkumbaba. Singliit man ng tuldok subalit mala-higante naman ang katuturang kanilang ipinamamalas. Tila walang kaugnayan ngunit kung iisiping mabuti ay puno ng kabuluhan.

James21
8/21/2012 01:39:03 pm

Nice article Nicole.

Reply



Leave a Reply.